Wednesday, August 18, 2010

Ang gobyerno ay para sa tao sapagkat kung bakit may GOBYERNO ay dahil sa TAO. -Isagani (Meaning, WALANG SILBI ANG LIDER na hindi nagsisilbing tinig at tagapagtanggol ng kanyang nasasakupan, isang lider na TAKOT MAWALAN NG KAPANGYARIHAN kaya NAKALILIMUTANG MANINDIGAN para sa kanyang hanay!)



Sunday, August 8, 2010

SIKO-PANULAT*

HINDI PA AKO NAKAKATAGPO NG MANUNULAT NA HINDI NAGSUSULAT AT ISANG MAKATA NA HINDI TUMUTULA... PERO MARAMING MANUNULAT NA AKONG NAKILALA NA WEALANG POLITIKA AT PURO PORMA, KASI DAW MANUNULAT SILA AT MAKATA AT HINDI PROPAGANDISTA? Okey fine... Pero bahala na akyong magtalo nila Bonifacio at Rizal kung ganyan! Basta ako magsusulat at magmumulat!

PAKIRAMDAM SA AKING MALETA

Jonathan Vergara Geronimo

Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling lisanin ko ang ating natitirang sandali,
Sa pagitan ng pagtatangka kong pakikipag-usap
Upang maitulay sa iyo ang aking mga tula
Habang kapwa tayo walang imik.
Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling lisanin ko ang natatapos na araw,
Sa pagitan ng panonood ko sa iyong ngiti
Upang maisalaysay ang aking kuwento
Habang kapwa tayo naghihintay sa oras.
Alam ko kung saan ka papunta,
Habang ako ay mag-isa at nag-iisip-isip:
Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling bawiin ng pagkakataon ang paparating na buwan…
Na ikaw ay hindi ko man lang nakakasama
At ako ay hindi man makapagtuwid ng salita:
Mahal Kita.
At hindi maisara ang aking maleta.
Marahil, dahil hindi sapat ang aking pasya.
Ikaw, ang aking maleta na gusto kong makasama.

*Sa kanya na nahuli sa biyahe ng buhay ko

Saturday, August 7, 2010

DALAWANG PANAHON


Jonathan Vergara Geronimo


Hindi ang anumang paghihintay ang matagal
Kundi ang pagdating, lalo ang paglisan
ng isang bagong dating na pakiramdam
na balisa't naguguluhan:
Dapat bang agad lisanin ang bagong silang na pakiramdam?
Sinipat ko ang aking orasan.
Hindi ito gumagana.
Natawa ako.
Marahil nga,
hindi ko siya dapat ikulong
sa pagbibilang
o maging sa paghihintay
sa pagitan ng magkabila naming daan:
ang oras ng kanyang pagdating
at ang oras ng aking paglisan.
Hindi ito ang mga batayan
ng aking pagngiti
ng aking pagluha
ng aking pag-asam
at maging ng araw-araw kong pagiging masaya
Hangga't nandyan ang pakiramdam:
Alam kong handa akong magmahal
na hindi naghihintay
ni lumisan sa aking pakiramdam.

Basta alam kong mahal ko siya
kahit walang tugon ang gabi
at hindi mapansin ng umaga.

*Sa sinasabi mo: na para sakin ang ginagawa mong hindi pagkibo

HALIMAWISMO: TULA SA TULAGALAG NG KM 64


Jonathan Vergara Geronimo

Lumikha tayo ng bagong halimaw
sa nakahihindik na nakaraan
sa punglo na kumawala sa tubuhan
sa inaagnas na mga katawan
sa walang singil na karahasan
sa asenderong ang kamay ay duguan
sa laso na itinali ng makadayong halalan
at sa pangako ng sinasabing tuwid na daan?

Lumikha tayo ng bagong halimaw
sa bulag nating pagtunghay
sa hukay na kasinbangis
ng salarin sa Maguindanao
at iniluwal ng balota kamakailan…

ang imperyo ng dilaw na pedestal.

DISTANSYA*

Distansya ang nasa pagitan
ng malayo mong pagtanaw sa langit
at ako sa maalikabok na kapatagan
nang nagkikislapang bituin sa gabi
at ako sa makutim na himpapawid

Distansya ang nasa pagitan
ako at ikaw
ang mga paa na nakatungtong sa magkaibang lupa
ang tanawin sa mga layag ng magkaibang dalampasigan
kung saan tayo humihinga at naghihintay
sa halik ng isa't isa.

Distansya ang nasa pagitan
sana nga, upang hindi ako mangamba sa aking paglayo
habang kinakain ng sistema ang kapwa lungkot
halika't ikumot natin ang distansya
na bukas...
kung katatagpuin ang isa't isa
ay magbubunga ang ating iginuhit na pangarap
at kung hindi na, bunga ng iyong pagkainip
hagkan mo man lang sa huli...

ang bangkay ng aking pag-ibig.

*Alay sa mag-asawang hindi natutuhang ibigin ang distansya ng paghahanap ng buhay sa ibang bayan at lungkot sa bakod ng isang tahanang binigo ng paghihintay.

PASUBALI*

Baka gusto mo basketbolista
pero hindi ako type ng bola
pasensya.

Baka gusto mo musikero
pero hindi ako kumakanta nang todo
madalas na wala akong payong

Baka gusto mo bolero
pero hindi kasi ako sinungaling
ayokong humaba ang ilong ko.

Baka gusto mo pintor
pero wala akong pambili ng pintura
at stick lang ang alam kong i-drowing.

Baka gusto mo macho
pero alam mong mataba ako
at walang budget sa gym.

Baka gusto mo mayaman
pero alam mong titser lang ako
at laging krisis ang pagsweldo.

Baka gusto mo ng mestiso
pero alam mong negro ako
at takaw brown out ang kulay ko.

Baka hindi nga ako ang hanap mo.
Baka nga hindi ako ang prinsipe mo.
Baka malayung-malyo ako sa pangarap mo.

Pero baka sakali lang...
Ako yung ayaw mo na gusto mo.
Parang ako noon sa'yo.

Nang mahalin kita:
walang pamantayan ni pormula.
Basta ikaw, baka nga ikaw.
Sabi ng puso ko:
KUNG SIYA EDI SIYA.

...pero boss, gusto ko pang magpahinga
another 2 years pa.

SAGOT KO: Ha?