Sunday, August 8, 2010

PAKIRAMDAM SA AKING MALETA

Jonathan Vergara Geronimo

Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling lisanin ko ang ating natitirang sandali,
Sa pagitan ng pagtatangka kong pakikipag-usap
Upang maitulay sa iyo ang aking mga tula
Habang kapwa tayo walang imik.
Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling lisanin ko ang natatapos na araw,
Sa pagitan ng panonood ko sa iyong ngiti
Upang maisalaysay ang aking kuwento
Habang kapwa tayo naghihintay sa oras.
Alam ko kung saan ka papunta,
Habang ako ay mag-isa at nag-iisip-isip:
Ano kaya ang babaunin ko sa aking maleta?
Kung sakaling bawiin ng pagkakataon ang paparating na buwan…
Na ikaw ay hindi ko man lang nakakasama
At ako ay hindi man makapagtuwid ng salita:
Mahal Kita.
At hindi maisara ang aking maleta.
Marahil, dahil hindi sapat ang aking pasya.
Ikaw, ang aking maleta na gusto kong makasama.

*Sa kanya na nahuli sa biyahe ng buhay ko

No comments:

Post a Comment