Saturday, August 7, 2010

HINDI KUMUKUPAS ANG PULA: KRITIK SA PELIKULANG SIGWA SA CINEMALAYA 2010

Dati akong aktibista.
Naku, nakibaka rin kami dati.
Lumalaban din ako dati.
Alam ko lahat ng aralin sa aktibismo.
Kasapi ako dati ng LFS,AB,FQS,BM,KMU at iba pang organisasyon... noon?

Iyan ay iilan lamang sa angas ng mga diumano'y dating kasama o aktibista na humahatol sa mga makabagong binhi ng aktibismo. Sa aking pananaw, kahit sino naman maaaring sabihin na dati o kasalukuyan silang aktibista batay sa kanilang naging pagkilos o paniniwala sa pagbabago ngunit ang malaking tanong: nasaan na sila? ano na sila ngayon? at nasaan ang bakas na ipinagyayabang nila? Ang ganitong mga angas ay ilan lamang sa isyung mapangahas na sinagot at iniwasto ng pelikulang "Sigwa" ng premyadong Joel Lamangan at kasalukuyang entri para sa Directors Exhibit Category ng Cinemalaya sa taong ito.

Nais kong suriin ang pelikula batay sa paksa nito, kasaysayang sangkot sa loob at labas ng pelikula, paglalahad at ilang puna sa estetika at sa huli ang pinakamahalaga ay ang panawagan o aral na binigyang-diin ng pelikula.

Malinaw naman ang nais paksain ng pelikula sa bungad pa lamang nito. Ang layunin na mailahad ang awtentikong danas ng isang panahon kung saan higit ang panggigipit ng estado sa larangan ng politika, pamumuhay at sistemang panlipunan sa bansa. Ang pagdedeklara ng Batas Militar at ang mapangahas na tugon ng mamamayan na ipaglaban ang kalayaan at katarungang ninakaw sa kanila sa panahon ng pananakot at pandarahas ang umiiral na malaking utos. Ngunit hindi lamang sa padron ng First Quarter Storm uminog ang kwento, bagkus higit na tumindi ang pagtalakay sa pelikula nang sinimulang sipatin ang kuwento sa perspektiba ng kasalukuyan kung saan pansamantalang nakalag tayo sa marahas na Dekada '70: NGUNIT MALINAW DIN NA WALANG IPINAGBAGO NGAYON, naiba lamang ang porma ng pandarahas at paglabag sa karapatang pantao, naiba lamang ang mukha ng bulok na sistema at higit sa lahat napalitan lamang ng bagong halimaw ang iniupo natin upang lokohin tayo. Kung gayon, nais salaminin ng pelikula ang kanyang panahong kinabilangan tungo sa pagtanaw natin sa kasalukuyang kalagayan at panawagan sa lalong pagpapalakas at pagpapatibay ng hanay na sa iilan ay kinakatamaran, kinapaguran at tuluyang iniwan ng iilan sa kasapi na nilamon narin ng sistema halimbawa nito ay ang karakter ni Oliver (Tirso Cruz III) na dating aktibista at nang mapuwesto sa Malakanyang ilang panahon ay naging kaaway ng kanyang dating paninindigan.

Marami akong kilalang ganyan ngayon, na matapos makadama ng konting ginhawa ay nagbago na ang pananaw at asal sa pagkilos na baguhin ang pangkalahatang kalagayan ng lipunan. Eksakto sa ganitong sitwasyon ang kapuri-puring pahayag ng karakter na si Cita (Zsa Zsa Padilla) na "Lahat ng nakikita mo ay materyal na progreso ngunit ang kalagayang panlipunan, ganun parin" sagot ito sa pagmamayabang ni Oliver na "Hindi nyo ba nakikita ang progresong likha ng gobyerno?". Si Oliver sa pelikula ay karakter na pilit inilayo ang kanyang sarili sa daang tinatahak ng sambayanan bunga ng kapakinabang pansarili at komportableng kalagayan.

Ang paksang pinili ng pelikula ay masasabi kong tunay na malaya at mapangahas sa punto na bagama't dekada '7o pa ang pinakadiin ay siya namang katotohanan na bibihira na sa kasalukuyan ang mapanood sa ganitong main stream ang ganitong nilalaman. Kaya nga marahil, medyo napabayaan ang estetika ng pelikula sapagkat itinakda nito ang pagbibigay-diin sa layunin na ipatindi sa kasalukuyan ang kasaysayang tinalakay ng pelikula kaysa ikulong lamang sa abstrakto at kababawan ang kabuuan ng pelikula na karaniwang disenyo ng mga pelikulang napanood ko ilang taon ang lumipas. Kapangahasan ang malinaw na iminungkahing pormula ng pelikula para sa kalutasan ng tunay na pagkakaroon ng tunay na pagpapalaya sa sining ng isang pelikulang malaya.

Sa pagitan ng seryosong romantisismo at realistikong pagkakatimpla sa daloy ng pelikula, kapansin-pansin parin ang seryosong pangangatwiran ng pelikula sa ilang isyu ukol sa aktibismo na malamang ay palaisipan higit sa iilan na kasalukuyang nagdadalawang-isip sa layunin ng kilusan o lalo sa mga tuluyang lumisan at tumahak ng ibang daan. Ilan sa paglilinaw na ito ang tumatak sa akin mula sa linya ni Rading na: "Ang tunay na aktibista kahit matanda na, aktibista parin" Ang pahayag na ito ay sampal para sa kanilang mga nagmamalaki na dati silang aktibista ngunit ngayon ay nilamon na ng sistema at napagod na ipaglaban ang minsang pangako at paninindigan nila sa bayan para sa ganap na pagbabago.

Gayundin sa pahayag ni Cita na
"Ang nakaraan ay hindi kinakalimutan, kundi pinaghahanguan ng karanasan, kinukuhaan ng lakas para lumaban" nililinaw ang halaga ng patuloy na pagkilos sa halip na paghinto at tanggapin na lamang ang nagpapatuloy na kabiguang matamo ang ganap na pagbabago. Minsan nating itanong sa sarili natin: Bakit nga ba ang tagal ng tagumpay? At isa lang ang sagot na mapapatunayan mo: Ano ba kasi ang ginagawa mo para mapabilis ang tagumpay? Mabagal dahil hindi tayo kumikilos.

Maraming pagkakataon rin na ang pelikula ay naglalahad ng mga mungkahi at gabay gabay upang mapasakamay natin ang tagumpay. Tulad halimbawa ng mungkahi ng batang Oliver (Marvin Agustin) na: "Wala tayong laban sa syudad, sa kanayunan patas ang laban!". Sa ganitong pahayag malinaw na pinatutunayan na kasalanan ng gobyerno at ng kampanya nitong digmaan ang patuloy na pagiging marahas ng mamamayan, bagay na nagtutulak sa tao na lumaban ng armas sa armas. Ilang mungkahi rin sa kabataan kung paano maglilingkod sa kanilang bayan ang binaggit ng karakter na propesor (Tony Mabesa) sa pelikula na: Mag-aktibista. Praktis hindi lamang sa akademya kundi sa praktis ng lipunan", isang sampal sa mga mag-aaral ko na sinasabi nilang wala pa silang magagawa sa kanilang murang edad. Nais patunayan ng mga linya ng propesor na hindi mahirap ipagtanggol ang bayan kung pag-aaralan mo ang sakit at mga posibleng gamot sa mga ito at sinsero kang gawin ang iyong tungkulin sa sambayanan kahit sa batang edad pa lang.

Sa kabuuan, nasabi ko sa sarili ko: Unti-unti akong tumatanda sa aktibismo at napaisip ako matapos ang pelikula:
Sinong aktibista ako sa paglipas ng panahon? Si Cita na tinahak ang armadong pakikibaka, si Azon na pinili ang magkaroon na lamang ng pamilya at mamuhay ng mag-isa, Si Rading na nagkaroon ng anak na aktibista o si Oliver na nilamon ng sistema matapos matamo ang kaunting ginhawa ng pagkilala at
posisyon sa bulok na sistema? Hindi ako makasagot pa sa ngayon ngunit ang tiyak at ang kongkretong tugon ko ay simpleng : magpapatuloy ako at hindi ako hihinto ni mapapagod.


Sa huli, bagama't tuluyang tinahak ni Dolly (Dawn Zulueta) ang pagpapasya na pansamantalang lisanin na ang Pilipinas makikita parin sa kanya ang pagdakila at paghihintay sa tagumpay ng pagkilos mula sa ambag ng kanyang panahon at pagsuporta sa kasalukuyang takbo nito. Sa minsan niyang pagsagot sa paninisi ng ina ni Eddie (di sana nasira ang pamilya natin" sagot ni Dolly: nagka-meaning naman ang aming pinaghirapan, naging mabubuti kaming tao"Allen Dizon): "kung hindi lang sana kayo naging aktibista, hin

Ang sigwa ay pasado hindi lang sa pamantayan ng isang aktibista kundi higit sa bawat mamamayan na patuloy na lumalaban, kumilos at naghahangad para sa ganap na pagbangon ng sambayanan hanggang magtagumpay. Pinatunayan ng pelikula na hindi kumukupas o nalalaos ang panawagan ng aktibismo sa paghahangad ng pagbabago. Nakangiti kong tatapusin ang panunuring ito sa pamamagitan ng makabuluhang pahayag na binitawan ng batang Dolly (Meagan Young) sa pelikula: Hindi lang manifesto writing or marching ang kailangang gawin... we have to make revolution!"

Sama ka?
Iyan ang tunay na aktibista.
Hindi lumilipas, kumukupas ni nalalaos.

No comments:

Post a Comment